Kahapon, biglang nagtext sa akin si Pops, ang aking bestfriend, na samahan ko daw sya mag-ice cream sa Pasig. Medyo nag-hesitate ako dahil, una, umuulan ng malakas; pangalawa, dahil kulang pa ako sa tulog; pagatlo, bakit sa Pasig ba kailangan kumain nun, at ang huli at pinaka-valid na reason, tinatamad ako. Hehehe. Anyway, nangibabaw parin ang pagiging kaladkarin ko at sinundo niya ako sa dahil wala akong payong.
Dumaan muna kami sa Jollibee at kumain with matching kwentuhan tungkol sa recent visit niya sa Palawan. Diretso kami ng Ice Cream Store para kumain ng ice cream na nilibre niya. At syempre, kwentuhang walang humpay, na kung sa'n-sang topic na kami napunta; from the Old Philippines page sa Facebook hanggang sa mga chismis sa mga high school classmates. At dahil napag-usapan namin ang high school, niyaya ko s'yang dumaan sa aming dating escuelahan (La Immaculada Concepcion School) bago umuwi, dahil bigla naming naalala ang makasaysayang high school life habang nagkwentuhan kami sa tapat ng anino ng Pasig Cathedral.
Habang naglalakad kami sa covered sidewalk, nagpapa-unahan kaming tinuturo ang mga lugar na dating nandoon, na ngayon ay kung hindi sira-sirang bakod ay pinalitan na ng bagong establisyamento. Nagulat din ako sa sarili kong, automatic nang lumalabas sa bibig ko ang pangalan ng mga lugar na higit anim na taon ko nang nilisan, samantalang si Pops ay nag-iisip pa. Dito kami unang nagkakilala ni Pops, at sampung taon naming pinanday ang pagkakaibigan namin sa paaralang 'to.
Tinuro namin ang mga lugar kung san kami kumakain, kung sang gate kami lumalabas, ang mga secret pathways, ang binibilhang mga tindahan after class-- mga lugar na parang kahapon lang ay nandoon pa. Sabay naming pinagtatawanan ang mga masasaya at malulungkot na alaalang nakaukit narin sa mga konkretong pader na naghihiwalay sa amin at sa aming mga classrooms habang kami ay nasa labas.
Saka namin na-realize na andami naming na-miss.